NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang mga isinawalat ni Senador Pia Cayetano ukol sa pondo ng PhilHealth.
‘Yun bang === hindi buo na ibinibigay ng Palasyo o kaya, zero bigay.
Kung matatandaan ninyo, hindi lang noong 2024 kundi ngayong taon hindi binigyan ang PhilHealth ng kinakailangan nitong pondo.
Para sa 2024, nagdesisyon na mismo ang Supreme Court na ibalik sa ahensya ang P60 bilyon at dapat isama ito sa gagawing pondo ng ahensya na P53B para sa 2026.
Ano naman ang nangyari sa P2025 na ang naging maingay sa pagtatanggal sa pondo ay mismong si dating Senador Grace Poe?
Pero ang mga binigyan talaga ng buong diin ni Sen. Pia ay ang sadyang pagbalewala sa dapat na mga kabuuang pondo ng PhilHealth upang magampanan nito nang husto ang trabaho nito gaya ng Zero Billing hindi lang sa mga Department of Health hospital kundi sa mga ospital ng mga local government unit, kasama na ang mga private hospital.
Sabi ng senadora, kung ibinibigay lang lahat ng Palasyo at Kamara ang mga nararapat na pondo para rito, tiyak umanong magkakaroon ang lahat ng pasyente sa lahat ng ospital, publiko man o pribado, ng Zero Billing.
MGA MANIOBRA
Paliwanag ni Sen. Pia, daan-daang bilyong piso ang dapat na pondo ng PhilHealth taon-taon.
Manggagaling ito sa Sin Tax Law na nagbubuwis sa mga alak, sigarilyo at soft drinks at sa Philippine Charity Sweepstakes Office at Philippine Gaming Corporation na palaro o sugal ang mga pinagkakakitaan.
Mismong ang Bureau of Internal Revenue ang nagsasabing napakalaki ang mga koleksyon nito mula sa mga buwis sa mga produktong sakop ng Sin Tax Law.
Ngunit nakapagtatakang laging kulang ng kung ilang bilyon taon-taon ang inilalaan ng Palasyo at Kamara sa PhilHealth at nitong 2024 at 2025 nga, zero badyet pa ang PhilHealth.
Umabot naman sa P106B ang koleksyon ng PCSO at Pagcor ngunit mula 2019 hanggang 2025, walang naibigay sa PhilHealth.
Meron naming naibigay para sa 2023 at 2024 sa National Treasury umano ngunit hindi ibinigay sa mga General Appropriations Act sa nasabing mga taon.
Nagpaliwanag naman umano ang Department of Budget and Management ngunit hindi katanggap-tanggap dahil pumasa sa lahat ng proseso ang lahat para sa pamimigay.
LAHAT DAPAT MAKIPAGLABAN
Sinabi ng senadora na may karapatan ang lahat ng mamamayan, LGU at pribadong ospital ukol sa Zero Billing at iba pang benepisyong pangkalusugan.
Kaya naman, makaraang malaman nila ang mga impormasyong pinagkakaitan sila, dapat silang lumaban.
Kaya umano ng PhilHealth na ibigay ang lahat ng mga benepisyong pangkalusugan dahil may pondo.
SAAN NGA NAPUNTA ANG MGA PONDO?
Sabi ng senadora, nalunod na.
Hindi man niya sinasabi, saan ba ang alam nating lahat ginastos ang mga pondo para sa PhilHealth?
Sa mga ghost project, substandard at doble pondo na mga flood control, farm-to-market road at iba pa na may mga bilyon-bilyong pisong kikbak ba?
Ngayon naman, may karapatan din tayong kilalanin ang lahat ng mga nagnakaw sa mga pondong pangkalusugan.
Kaya naman, dapat hindi na paabutin sa 2028 elections ang lahat ng ating mga pagkilos para makulong ang mga ito.






