Home NATIONWIDE Malakanyang, hinikayat mga Pinoy na sumubaybay sa paglilitis kay Digong sa ICC

Malakanyang, hinikayat mga Pinoy na sumubaybay sa paglilitis kay Digong sa ICC

3
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang mga Pilipino na subaybayan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC), dahil ang kaso ay may kinalaman sa mga Pilipino bilang mga nagrereklamo at bilang akusado.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi lamang dapat limitado sa pamahalaan ang pagsubaybay sa mga paglilitis dahil direktang sangkot dito ang mga Pilipino.

“Hindi lamang ang gobyerno ang dapat sumubaybay sa anumang hearing; ang sangkot, ang involved, ay mga Pilipino,” ang winika ni Castro,

“Tandaan po natin: ang kaso sa ICC ay ang mga complainants ay mga Pilipino. Ang nasabing akusado, respondent, ay Pilipino,” aniya pa rin.

Sinabi rin ni Castro na dapat subaybayan ng mga Pilipino ang mga paglilitis dahil may kaugnayan ito sa paghahanap ng katarungan.

“Lahat po ng ating mga kababayan ay dapat lamang din sumubaybay dahil ito ay usapin sa pagbibigay ng tamang hustisya,” ayon kay Castro.

Sa ulat, nakatakdang simulan ng ICC Trial Chamber III ang paglilitis kay Digong Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands.

Inaasahang hihilingin muna ng mga hukom sa dating Pangulo na ihayag ang kanyang plea o tugon sa mga kasong isinampa laban sa kanya bago pakinggan ang mga pambungad na pahayag ng prosekusyon at ng mga legal na kinatawan ng mga biktima.

Ayon kay ICC spokesperson Oriane Maillet sa isang briefing noong Nobyembre 24, inaasahan ng mga tagausig na magharap ng humigit-kumulang 100 saksi sa panahon ng paglilitis.

Inaasahang ang unang limang saksi ay magbibigay ng kanilang testimonya bago ang nakatakdang pahinga ng hukuman para sa panahon ng taglamig.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity o mga krimen laban sa sangkatauhan, partikular ang pagpatay at tangkang pagpatay, na umano’y naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 bilang bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.

Saklaw ng mga kasong isinampa ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, gayundin ang mga pagpatay at tangkang pagpatay na umano’y isinagawa sa mga operasyong kontra-droga noong siya ay pangulo ng bansa.

Mahigit 500 biktima ang pinahintulutang lumahok sa mga paglilitis sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawang abogado.

Ilalahad ng mga kinatawang ito sa hukuman ang kanilang mga pananaw, saloobin at mga hinaing kaugnay ng kaso.

Tutukuyin ng mga hukom ng ICC kung napatunayan ng prosekusyon, batay sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis, ang umano’y pananagutang kriminal ni Duterte nang lampas sa makatwirang pagdududa.

Itinuturing na walang sala si Duterte hangga’t hindi napapatunayang nagkasala alinsunod sa batas.

Bibigyan din ng pagkakataon ang kanyang pangkat ng depensa na kuwestiyunin ang mga ebidensyang ihaharap ng prosekusyon at maglahad ng sarili nilang mga saksi at ebidensya. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here