BULACAN, Philippines – Nagviral sa social media ang pagsabog ng pagawaan ng paputok na umanoy isang trabahador ang nagkagutay-gutay nitong tanghali ng Nobyembre 25.
Sa ulat at Facebook post ng Pamahalaang Barangay ng Pulong Buhangin, nilinaw nilang ang pagsabog ay hindi nila nasasakupan.
Ayon sa ilang netizen, sakop pa umano ng Brgy. Partida, Norzagaray ang pagawaan ng paputok na sumabog.
Anila, sa lakas nang pagsabog ay umabot ang pagyanig sa bayan ng Bocaue, Santa Maria at iba pang kalapit lugar.
Nabatid din na kinilala ng isang netizen, na ang biktimang nagkagutay-gutay ay kanyang kaanak.
Sinasabing noong mga nakaraang taon ay may naiulat na pagsabog sa nasabing lugar na ikinamatay din ng ilang manggagawa ng paputok.
Sinusulat ito, patuloy na kinukumpirma ng espasyong ito sa mga awtoridad ang kabuuan at karagdagang impormasyon sa nasabing insidente. (Dick Mirasol III)