MANILA, Philippines – Nahaharap sa deadlock ang bicameral conference committee sa panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA) kasunod ng hiling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ibalik ang humigit-kumulang P45 bilyong tinapyas sa badyet nito, ngunit iginiit ng mga mambabatas na nananatiling nasa tamang landas ang deliberasyon.
Ayon kay Senate Committee on Finance chairperson Sherwin Gatchalian, ipinagpaliban muna ng Senado ang ikatlong bicameral meeting upang bigyang-daan ang karagdagang pag-uusap sa Kamara at sa DPWH.
“After the caucus, sabi namin i-postpone muna ‘yung bicam today para maresolba muna itong issue with the House and also the DPWH,” aniya.
Inamin ni Gatchalian ang umiiral na hindi pagkakasundo ngunit nananatili siyang optimistiko sa pagpasa ng badyet.
“We can call it deadlock on that aspect pero naghahanap tayo ng solusyon… committed ako maghanap ng solusyon… open to working with the House and DPWH,” aniya, at idinagdag,
“Kaya naman… optimistic naman tayo na matatapos… kailangan matapos hopefully by Wednesday.”
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hindi dapat isisi ng DPWH sa Senado ang umano’y pagkukulang sa computation ng construction materials price data.
“Kasi very emphatic si Secretary Dizon na bawasan natin ng 25 percent… tapos ngayon merong haggling… hindi puwede,” ani Lacson. Giit pa niya, dapat munang umamin ang ahensya sa pagkakamali nito.
“Mag-admit muna si Secretary Vince na nagkamali sila ng computation… which he has not done so far.”
Sa kabila ng isyu, inaasahang magpapatuloy ang bicameral conference sa Miyerkules, na target maratipikahan ang 2026 GAA sa Disyembre 22.
Samantala, inaprubahan ng bicameral committee ang PHP1.38-trilyong badyet para sa edukasyon na tinawag ni Sen. Bam Aquino bilang “the largest in the country’s history,” kabilang ang pondo para sa libreng edukasyon sa kolehiyo, pagpapatayo ng mga silid-aralan, feeding program, at karagdagang tulong sa mga mag-aaral ng allied health sciences. RNT