MANILA, Philippines – Kinumpirma ng mga awtoridad sa Maynila na ang mag-amang si Sajid Akram at ang kanyang anak na si Naveed Akram, na umano’y nasa likod ng mass shooting sa Australia, ay nanatili sa Pilipinas halos buong buwan ng Nobyembre.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), dumating sila sa Pilipinas noong Nobyembre 1, 2025 mula Sydney, Australia.
Si Sajid Akram (50) ay pumasok bilang Indian national, habang si Naveed Akram (24) ay isang Australian national. Pareho nilang idineklara ang Davao bilang kanilang huling destinasyon.
Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na umalis sila ng bansa noong Nobyembre 28, 2025, mula Davao patungong Maynila, at pagkatapos ay bumalik sa Sydney.
Ayon sa pulis at militar, patuloy pa nilang kinukumpirma ang presensya ng mag-ama sa bansa.
Ang dalawang lalaki ay inaakusahan ng pagpatay sa 15 katao at pagkasugat ng dose-dosenang iba pa sa isang Hanukkah celebration sa Bondi Beach, Sydney.
Noong Martes, sinabi ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na ang mag-ama ay malamang na na-radicalize ng ideolohiya ng Islamic State (IS).
Kinilala rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat tungkol sa posibleng ugnayan ng suspek sa mga teroristang grupo.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, mahigpit na ikinokoordina ng mga ahensya ng gobyerno ang usapin tungkol sa galaw ng mga dayuhan at posibleng teroristang koneksyon.
May presensya pa rin ng mga IS-linked groups sa Mindanao, na minsan ay nagsasagawa ng mga pambobomba.
Ang Mindanao, kabilang ang Davao, ay may mahabang kasaysayan ng Islamist insurgency laban sa pambansang pamahalaan.
Noong 2017, sinakop ng mga pro-IS Maute at Abu Sayyaf militants ang lungsod ng Marawi sa loob ng limang buwan.
Mahigit 1,000 katao ang namatay at daan-libo ang lumikas bago ito nabawi ng militar.
Bagama’t bumaba na ang insurhensiya sa mga sumunod na taon, patuloy pa ring hinahabol ng Philippine army ang mga lider ng mga grupong itinuturing na terorista. RNT/MND