MANILA, Philippines – Makakaapekto sa Southern Mindanao ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) habang Northeast Monsoon o Amihan naman ang mararanasan sa Northern at Central Luzon.
Ang Caraga, Davao Region, Palawan, Sarangani, South Cotabato, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa ITCZ.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat din na pag-ulan at thunderstorm ang mararanasan sa Bicol Region, Northern Samar, at Eastern Samar dahil sa easterlies.
Maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ang iiral sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, at Quezon dahil sa Northern Monsoon o Amihan.
Samantala, ang Metro Manila, Ilocos Region, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, at nalalabing bahagi ng Central Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains dahil sa Amihan.
Habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa easterlies. RNT/JGC