Home HOME BANNER STORY DPWH nakakuha ng P529.6B badyet para sa 2026

DPWH nakakuha ng P529.6B badyet para sa 2026

258
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng bicameral conference committee (bicam) nitong madaling araw ng Huwebes, Disyembre 18 ang P529.6 bilyong badyet para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nakatipid ito ng kabuuang P20.7 bilyong pondo kasunod ng pagbawas ng overpriced construction materials para sa government infrastructure projects.

Ito ay kasunod ng pagtatapos ng bicam ng extensive deliberations sa proposed P6.793-trillion national budget para sa fiscal year 2026 matapos ang apat na araw.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, ang savings ay resulta ng paglalagay ng Construction Materials Price Data (CMPD), na ibinigay ni DPWH Secretary Vince Dizon, sa nasa 10,000 proyekto.

“Base doon sa submission ng DPWH, sa bagong submission nila, na dito sa bagong adjustment factor, pinasok na nila ang logistics, pinasok na nila ang hauling cost at iba pang maging cost, so naging mas near actual, hindi pa actual, but near actual na ang cost nila,” ani Gatchalian.

“Ang resulta ng savings na nakuha natin ay P20.7 billion. So confident akong sabihin na wala nang overpriced na materyales sa loob nitong budget na ito,” dagdag pa niya.

Sa P20.7 bilyong savings, inilagay ng bicam ang P16.52 bilyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), habang P4.25 bilyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.

Maaalala na umapela ang DPWH sa Senado na ibalik ang halagang ibinawas mula sa proposed 2026 budget ng ahensya dahil sa reductions batay sa CMPD.

Sinabi ni House Committee on Appropriations chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing na nagawang bawasan ng bicam ang DPWH budget ng mahigit P300 bilyon mula sa 2026 National Expenditure Program (NEP) o ng P94 bilyon mula sa House-approved General Appropriations Bill (GAB).

“Wala po kaming kina-cut na hindi namin pinapaalam sa mga ahensya. I think that’s usually the main point of contention. We also don’t put in items in the budget of the respective agencies without the approval of the head of agency,” sinabi ni Suansing.

Sa pinal na pagbasa sa Senado, tinapyasan ang proposed 2026 budget ng DPWH sa P570.48 bilyon mula sa P624.48 bilyon sa ilalim ng GAB.

Nauna nang ipinanukala ng DPWH ang P881.31 bilyong badyet sa ilalim ng NEP ngunit ito ay binawasan pa matapos ang pag-aalis ng locally funded flood control projects kasunod ng mga isyu ng substandard o ghost projects.

Samantala, siniguro naman ni Gatchalian kay DPWH Secretary Vince Dizon na ang budget cuts ay katanggap-tanggap dahil patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng bicam sa Executive.

“In fact, may mga letters sila. Nagpapadala rin sila ng mga data para mapagaralan namin,” ayon sa senador. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here