MANILA, Philippines – Binawasan ng bicameral conference committee nitong Miyerkules, Disyembre 17 ang House-approved 2026 budget para sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) ng higit P34 milyon na mula sa P111.5 bilyon ay ginawang P77.04 bilyon.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, ang realignments ay pupunta sa subsistence allowance ng uniformed personnel, taliwas sa mga pahayag na ito ay gagawing pork barrel funds.
“Wala pong katotohanan na pumunta ‘yan sa pork barrel. Katulad po ng sinabi ni Congresswoman Mika [Suansing], ‘yan po ay inilipat po sa iba’t ibang ahensya patungo po sa subsistence allowance ng military uniform personnel. So ibig sabihin, makakakuha ho sila ng dagdag na subsistence allowance from P150 to P300,” paliwanag ni Gatchalian.
“Kaya po natin tinransfer para ang ahensya na ang diretsyo magbigay sa mga military uniformed personnel kaysa pupunta pa ho sila sa [Department of Budget Management] at magre-request, diretsyo na ho sa ahensya. Mas mabilis, hindi ho made-delay,” dagdag ng senador.
Ang MPBF ay ang lump-sum fund sa ilalim ng Department of Budget and Management na ginagamit sa pagbabayad ng iba’t ibang benepisyo at adjustments para sa mga empleyado ng pamahalaan katulad ng hazard pay, retirement gratuities, at terminal leave.
Nauna nang sinabi ni ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio na ang pagtapyas sa mga benepisyo ng rank-and-file government employees ay ililipat ito sa “discretionary pork barrel funds” para sa local government units (LGUs).
Pinasinungalingan naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y P17.9 bilyong pork barrel fund para sa Senado sa ilalim ng 2026 national budget, at sinabing ito ay para sa pagtataas ng subsistence allowance ng uniformed personnel. RNT/JGC