Lungsod Malolos, Bulacan – Arestado sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) ang mag-asawang Most Wanted Person (MWP) sa magkahiwalay na operasyon ng tracker team ng pulisya nitong Disyembre 19.
Sa ulat ni PLTCOL Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos police station, kinilala ang naarestong wanted na si alyas “Vin” at alyas “Wima”, 47.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng tracker team ng Malolos police station kasama ang Warrant PNCO at tracker personnel bandang 1:30 ng hapon sa Brgy. Santo Domingo, lungsod Santa Rosa, Laguna na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Vin”.
Dakong 2:30 ng hapon, naaresto naman sa Brgy. Biñang 1st, Bocaue ng parehong pangkat ng mga awtoridad at operasyon si alyas “Wilma.”
Nabatid na ang WOA sa kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 at Section 11, Article 11 ng R.A 9165 kaugnay ng Criminal Case Nos. 3065-M-2023 at 3066-M-2023 para sa Service of Sentence ay inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 6, Malolos City, noong Mayo 30, 2025.
Sinasabing si alyas “Vin” ay kasalukuyang Top 5 MWP sa City Level ng Malolos habang si alyas “Wilma” ay Top 3 MWP City Level din ng nasabing lungsod.
Dinala ang mag-asawang wanted sa nasabing istasyon para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Dick Mirasol III