MANILA, Philippines – Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes, Disyembre 22 sa mga public utility vehicle (PUV) driver at operators sa paggamit ng pekeng Provisional Authority (PA) and Certificate of Public Conveyance (CPC) documents sa kabila ng report nang pagkalat nito lalo na sa mga probinsya.
Sa pahayag, sinabi ni LTFRB chairperson Vigor Mendoza II na nakikipag-ugnayan na sila sa ibang law enforcement agencies para magsagawa ng random document checking sa mga PUV para sa kaligtasan at kapakanan ng mga commuter.
“We have been receiving reports of fake PAs and CPCs and this is actually one of the things that we focused on, including the integration of technology through digitalization aside from aggressive law enforcement that we have been initiating in the past few months,” ani Mendoza.
“So we are warning those engaged in this illegal activity to stop and do the right thing. Dahil kapag natyempuhan namin kayo, talagang magsisi kayo dahil katakot-takot na kaso ang isasampa namin sayo,” dagdag pa nito.
Tinukoy niya ang kaso ng isang transport company na ang PA ay ginagamit ng mga pasaway na motor vehicle owners para sa kanilang illegal na operasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng LTFRB, napag-alaman na ang PA ay bogus dahil ang signatory ay hindi na konektado sa ahensya.
Iniimbestigahan na ang naturang kaso.
Nangako naman si Mendoza na tutugisin ang mga sangkot sa paggamit ng pekeng PA at CPC dahil mas malala pa ito sa pagiging kolorum.
Idinagdag pa niya na nakikipag-ugnayan na ang LTFRB at Department of Transportation (DOTr) sa Department of Justice (DOJ) para palakasin ang anti-colorum drive ng pamahalaan.
Noong nakaraang linggo, naglunsad ang DOJ ng special task force na hahawak ng mga kaso sangkot ang colorum na mga sasakyan, kabilang ang case build-up at information dissemination campaigns.
Bukod sa pagtatalaga sa korte bilang tanging makakapagpalabas ng mga na-impound na sasakyan, isinusulong din ng LTFRB ang agarang detention ng mga maaaresto.
Sa kaso naman ng paggamit ng pekeng PA at CPC, sinabi ni Mendoza na magkakaroon din ng karagdagang reklamo laban sa mga sangkot dito.
“We are now meeting with various stakeholders, including transport groups to intensify the reporting of those using fake PAs and CPCs.”
“This should be a team effort for the government, the transport sector and stakeholders because what is at stake here is the safety of commuters, the common good of our transportation system and the safety of all road users,” dagdag pa niya. RNT/JGC