SANTO TOMAS, BATANGAS — Nagpahayag ng matinding galit at hinagpis ang pamilya ni “Bella,” limang taong gulang na batang babae na pinatay at ginahasa habang nagka-caroling sa Santo Tomas.
Ayon kay Marivic Caspe, na nag-aruga kay Bella matapos mamatay ang kanyang ina, ang mga suspek ay “hindi tao, hayop, demonyo” dahil sa ginawa nila sa bata. “Hindi talaga siya tao dahil kung tao siya, hindi niya gawain,” dagdag niya.
Nakita sa CCTV na pumasok si Bella sa isang bahay noong Disyembre 19 habang nagka-caroling at natagpuan siyang patay sa loob ng sako kinabukasan.
Agad na naaresto ang dalawang suspek, na umamin sa pagpatay at panggagahasa. Ayon sa 22 taong gulang na suspek, sila ay high sa droga nang gawin ang krimen at matagal na nilang pinlano ito.
Sinabi ng suspek na pinasok niya si Bella para bigyan ng pera, ngunit nakita ng bata na gumagamit sila ng droga at sumigaw ito habang umiiyak. Inalala rin ng suspek na sinuntok ng isa pang suspek ang ulo ng bata bago siya ginahasa at pinatay gamit ang charger cord.
Sinabi ni Police Regional Office-4A Director Brigadier General Paul Kenneth Lucas na bibigyan ng instruksiyon ang hepe ng Sto. Tomas Police na masusing suriin ang lahat ng ebidensya upang hindi makaiwas ang mga suspek sa hustisya.
Kinondena ng pamahalaang lungsod ng Sto. Tomas ang krimen at nagbigay ng burial assistance para kay Bella.
Pinayuhan din ng mga pulis ang mga magulang sa lugar na maging maingat at huwag basta-basta ipagkatiwala ang kanilang mga anak. RNT