Home OPINION PROTEKSYON NG COMMUTERS, HUWAG ISUGAL

PROTEKSYON NG COMMUTERS, HUWAG ISUGAL

259
0

BILANG isang abogado at tagapagtanggol ng karapatan ng mga commuter, hindi ko maaaring palampasin ang naging desisyon na palawakin mula dalawa hanggang sa tatlo ang bilang ng mga accredited management companies sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance Program. Ang hakbang na ito, sa aking pananaw, ay hindi lamang teknikal na pagbabago sa halip ito ay may malalim na implikasyon sa kaligtasan, tiwala, at proteksyon ng milyun-milyong pasahero sa araw-araw.

Noong una itong idisenyo, ang two-group structure ng PPAI Program ay sinadya at pinag-isipan. Hindi ito basta kompromiso. Tugon ito sa matagal nang problema sa industriya ng pekeng insurance coverage, mabagal at pahirapang claims process, at hindi malusog na kompetisyon na kadalasang nauuwi sa pagkakait ng benepisyo sa mga pasahero. Sa paglipas ng panahon, napatunayan ng sistemang ito ang bisa bukod sa may malinaw na pananagutan, may prediktabilidad, at higit sa lahat, may maaasahang proteksyon para sa mga commuter.

Hanggang sa kasalukuyan, wala akong nakitang anomang pampublikong dokumento, pag-aaral, o opisyal na determinasyon na nagsasabing naging bigo, kulang, o hindi na epektibo ang two-group structure. Kung may problema man, bakit hindi ito inilantad? Bakit walang malinaw na paliwanag kung anong konkretong suliranin ang nalulutas ng pagdaragdag ng ikatlong management company?

Mas nakababahala ang kawalan ng transparency at public consultation. Ang PPAI Program ay hindi simpleng kontrata sa pagitan ng gobyerno at pribadong kompanya. Ito ay programang direktang tumatama sa kapakanan ng publiko, lalo na ng mga pasaherong araw-araw nakikipagsapalaran sa kalsada.

Sa ganitong usapin, hindi sapat ang tahimik na desisyon sa likod ng mesa. Kinakailangan ang bukas na diskurso, konsultasyon sa stakeholders, at malinaw na batayan.

Hindi rin dapat balewalain ang panganib ng muling pagbabalik ng mga problemang minsan nang naranasan tulad ng magulong kompetisyon, pagbagsak ng kalidad ng serbisyo, at lalong pagkalito sa claims process.

Sa palagay ko, hindi handang sumugal ang commuters nang buong katatagan sa isang desisyon na hindi malinaw ang lohika at layunin?

Bilang founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, naninindigan ang inyong lingkod na ang anomang pagbabago sa PPAI Program ay dapat dumaan sa masusing pagsusuri, malinaw na paliwanag, at tunay na partisipasyon ng publiko.

Ang kaligtasan at karapatan ng mga commuter ay hindi dapat isinasantabi, at lalong hindi dapat isugal sa mga desisyong kulang sa liwanag at pananagutan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here