MANILA, Philippines – Kinumpiska ng mga awtoridad ang nasa 100 boga kabilang ang iba pang mga illegal na paputok sa iba’t ibang bayan sa Cagayan.
Ito ay kasunod ng dalawang menor de edad na nasugatan sa magkahiwalay na related incidents noong Bisperas ng Pasko sa nasabing probinsya.
Nakumpiska ang mga boga at illegal na paputok sa mga bayan ng Solana, Allacapan, Baggao, Tuguegarao City, Sta. Ana, Sto. Niño, Amulung, Lasam, Piat, Peñablanca, at Iguig.
Ayon kay Police Col. Mardito Anguluan, Cagayan police director, kabilang sa mga nakumpiska ay ang 1,000-round Judas belt sa Solana, iba’t ibang paputok sa Tuguegarao City at nasa 100 boga na karamihan ay mula sa mga menor de edad sa probinsya.
Samantala, sinabi ni Police Capt. Sheila Joy Fronda, provincial police information officer, na ang mga biktima ay nagtamo ng sugat sa daliri sa magkahiwalay na insidente sa Solana at Gattaran.
Dahil dito ay muling nanawagan ang pulisya sa publiko na iwasan ang pagpapaputok at gumamit na lamang ng ibang alternatibo sa pagdiriwang ng holiday season.
Ani Fronda, nakapagtala pa rin ng nasugatan sa kabila ng kanilang Oplan Tambuli, isang information campaign kung saan nag-iikot ang kanilang mga mobile patrol sa mga komunidad para magbabala sa paggamit ng paputok. RNT/JGC