MANILA, Philippines – Mag-aalok ng libreng sakay ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa lahat ng pasahero sa ilang oras sa Martes, Disyembre 30, 2025 bilang paggunita sa Araw ni Rizal.
Ang libreng sakay sa parehong LRT-2 at MRT-3 ay iaalok mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi ayon sa anunsyo ng pamunuan ng dalawang rail transit nitong Sabado, Disyembre 27.
Idineklara ng Malacanang ang Disyembre 30 o Araw ng Rizal bilang isang regular na holiday.
Ginugunita ang Araw ni Rizal –ang anibersaryo ng kamatayan ng pambansang bayani na si Jose Rizal na namatay noong Disyembre 30, 1896 sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan (Rizal Park) dahil sa krimen ng paghihimagsik laban sa Spanish colonial government. Jocelyn Tabangcura-Domenden