QUEZON CITY, Philippines – Isang sunog ang sumiklab sa isang residential area sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Linggo ng gabi, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Batay sa ulat ng mga awtoridad, nangyari ang sunog sa Riverside Extension sa San Pascual Street bandang alas-8:43 ng gabi.
Itinaas ito sa unang alarma alas-8:49 ng gabi, ikalawang alarma alas-8:53, ikatlong alarma alas-9:07, ikaapat na alarma alas-9:14, at ikalimang alarma alas-9:33 ng gabi.
Nailagay sa kontrol ang sunog alas-11:09 ng gabi.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi hanggang sa oras ng paglalathala ng ulat.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, pati na rin ang bilang ng mga pamilyang at indibidwal na naapektuhan at ang kabuuang pinsalang dulot nito. RNT/MND