Home METRO Pinakamalamig na temperatura naitala sa LaTri, Benguet

Pinakamalamig na temperatura naitala sa LaTri, Benguet

291
0

BENGUET, Philippines – Naitala ng La Trinidad, Benguet ang pinakamalamig na temperatura ngayong 2025–2026 northeast monsoon o Amihan season nitong Linggo ng madaling araw matapos bumaba sa 12.1°C ang temperatura, ayon sa PAGASA.

Nalampasan nito ang dating pinakamababang temperatura ngayong season na 12.4°C na naitala sa parehong lugar noong Disyembre 4.

Ilan pang lugar na nakapagtala ng temperaturang mas mababa sa 20°C ay ang Baguio City (14.8°C), Basco, Batanes (18.5°C), at Tanay, Rizal (19.7°C).

Ayon sa PAGASA, inaasahang rurok ang Amihan sa mga buwan ng Enero at Pebrero kung kailan mas bababa pa ang temperatura, lalo na sa mga lugar na mataas ang elebasyon.

Tinatayang maaaring bumaba sa 7.5°C ang temperatura sa mga bulubunduking lugar ng Luzon sa Enero at nasa 9.2°C naman sa Pebrero.

Sa Metro Manila, maaaring bumaba ang minimum temperature sa 17.4°C sa Enero at 18.5°C sa Pebrero.

Sa kasaysayan, ang pinakamababang temperaturang naitala sa bansa ay 6.3°C sa Baguio City noong Enero 18, 1961.

Ngayong Linggo, isang humihinang Amihan ang nakaaapekto sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, habang inaasahan ang bahagyang pag-ulan sa Batanes at Cagayan.

Inaasahang magkakaroon ng panibagong bugso ng Amihan sa bisperas ng Bagong Taon na maaaring tumagal hanggang sa weekend.

Samantala, umiiral naman ang Easterlies sa iba pang bahagi ng bansa na nagdudulot ng panaka-nakang pag-ulan sa Palawan, Eastern Visayas, at Caraga. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here