Home HOME BANNER STORY LTO nag-isyu ng show cause order vs drayber na nambulas ng parking...

LTO nag-isyu ng show cause order vs drayber na nambulas ng parking attendant sa Baguio

275
0

MANILA, Philippines – Nag-isyu ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa drayber na naaktuhang nagpakita ng agresibong aksyon sa isang parking attendant sa Baguio City.

Ayon sa LTO, obligado ang drayber ng Toyota Fortuner na sangkot sa viral social media post na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Enero 8, 2026 at magpasa ng sinumpaang salaysay na nagpapaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng reklamong administratibo at maideklarang improper person to operate a motor vehicle kasunod ng insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakita ang drayber na naging agresibo umano sa parking attendant at sinabi ng ahensya na ang aksyong ito ay “brought danger to the latter and violated the expected conduct of a responsible motorist”.

Sinuspinde na ng LTO ang lisensya ng drayber sa loob ng 90 araw at inilagay ang sasakyan sa alarm status.

“Isa na naman itong paalala na dapat iwasan ng lahat ang init ng ulo sa kalsada. Ang lansangan ay isang pampublikong lugar na dapat panatilihin ang kaligtasan ng bawat isa—hindi ito lugar para sa galit o pagiging agresibo,” saad sa pahayag ni LTO chief and Assistant Secretary Markus Lacanilao.

“Ang lisensya sa pagmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan. Sinuman na mapatunayang hindi kayang magmaneho nang may disiplina, paggalang, at pananagutan ay maaaring mawalan ng pribilehiyong ito anumang oras. Determinado ang LTO na panatilihin ang kaayusan at kaligtasan sa ating mga kalsada,” dagdag pa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here