MANILA, Philippines – Nakatakdang magtayo at kumpletuhin ng Department of Transportation (DOTr) ang tatlong karagdagang istasyon na magsisilbi sa mga commuter na gumagamit ng EDSA Busway.
Ayon sa isang pahayag ng DOTr nitong Martes, Disyembre 30, ang konstruksiyon ng mga bagong istasyon ng EDSA Busway na matatagpuan sa Cubao, Magallanes, at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ay magsisimula sa unang quarter ng 2026.
Target naman na matapos ang konstruksiyon ng tatlong karagdagang istasyon pagsapit ng ikaapat na quarter ng 2026.
Sinabi ng DOTr na ang proyekto ay naglalayong mapahusay ang kahusayan at accessibility ng sistema ng bus para sa mga commuter.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Infrastructure Mark Steven Pastor, ang kontrata para sa proyekto ay naipagkaloob na noong Disyembre.
Ang ahensiya ay nagsabi na ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiva ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na higit pang pagbutihin ang time and motion ng busway at hikayatin ang paggamit ng pampublikong transportasyon.
Bukod dito, sinabi ng DOTr na ang bagong EDSA Busway Kamuning Station ay bubuksan sa unang quarter ng 2026 bilang bahagi ng modernisasyon ng EDSA Busway.
Ang Kamuning Station ay magkakaroon ng mga elevators at escalators upang mapabuti ang accessibility para sa mga commuter lalo na para sa mga taong may kapansanan (PWDs), senior citizens, at mga buntis. Jocelyn Tabangcura-Domenden