MANILA, Philippines – Magpapatupad ng zero vendor policy sa paligid ng Quiapo Church para sa gagawing pagbabasbas ng mga replica ng Poong Jesus Nazareno bukas, Enero 3.
Upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng mga makikibahagi sa pagbabasbas, ang Manila Police District (MPD) ay maglalatag ng mahigpit na seguridad.
Ang pagbabasbas sa mga replica ng Poong Jesus Nazareno ay bahagi ng mahabang aktibidad ng Kapistahan ng Quiapo tuwing Enero.
Nauna na ring sinabi ng pamunuan ng Quiapo na ilang mga kalsada ang kailangang isara upang bigyang-daan ang gaganaping mga aktibidad.
Dahil dito, asahan ang pagbagal ng trapiko sa paligid ng simbahan ng Quiapo bukas, lalo na’t inaasahan na mananatili ang mga may bitbit na replica sa Carriedo, Villalobos, Carlos Palanca, Quezon Blvd., McArthur Bridge, Avenida, at Recto Avenue.
Ayon naman sa HAWKERS Manila, ang polisiya ng zero vendor policy ay ipatutupad sa bahagi ng Villalobos Street at Estero Cegado sa Brgy. 306.
Magsasagawa rin ng clearing operations upang matanggal ang lahat ng sagabal sa kahabaan ng Carlos Palanca malapit sa simbahan.
Bukod dito, maaga rin isasagawa ang flushing activity sa Villalobos Street at Plaza Miranda upang masiguro ang kalinisan bago magsimula ang aktibidad. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)