MANILA, Philippines — Magde-deploy ang Department of Health (DOH) ng humigit-kumulang 200 health emergency responders para sa Traslacion ng Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
“At the event itself during the feast on Friday, we will have 200 health emergency response team members of the DOH deployed,” pahayag ni DOH spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo sa isang panayam sa radyo.
Nilinaw niya kalaunan na ito ay “estimated peak in deployment” at maaari pang magbago depende sa pangangailangan sa operasyon.
Magiging naka-standby rin ang mga DOH hospital sa Metro Manila upang tumanggap ng mga pasyente, habang muling ipatutupad ang “Code White Alert” sa mga ospital sa Metro Manila at mga karatig-rehiyon.
“We will now turn our focus to the Feast of the Nazarene… We will raise the Code White again. It will no longer be a nationwide Code White,” ani Domingo.
Ang Code White Alert ay nag-uutos sa mga ospital na maghanda para sa mga emerhensiya gaya ng high blood pressure, pagkahimatay, hypoglycemia, at posibleng mass casualty incidents.
Pinayuhan ni Domingo ang mga may sakit sa puso at baga, mga buntis, matatanda, at maliliit na bata na iwasang sumama sa prusisyon.
Pinaalalahanan din niya ang mga deboto na magdala ng ID, tubig at maintenance medicines, magsuot ng komportableng damit, at iwasan ang pagdadala ng mahahalagang gamit. RNT