MANILA, Philippines – Inihayag ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez ang pagbabawal sa pagdaan ng mga e-bikes sa pitong lugar ng lungsod.
Sinabi ni Olivarez na itinala ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) ang pitong kalsada na kinabibilangan ng Dr. A. Santos Avenue, Quirino Avenue, NAIA Road/MIA Road, Roxas Boulevard, West Service Road, East Service Road, at ang Mabuhay Lane sa Airport Road.
Ayon kay Olivarez, ang naturang advisory ay ipinatupad noong Enero 2 na ngpapaalala sa mga nagmamay-ari ng mga e-bikes na iwasang dumaan sa mga nabanggit na lugar kung saan malimit na nagsisimula ang pagsikip ng trapiko.
Ani pa Olivarez, magtatalaga pa ng karagdagang traffic enforcers upang mai-monitor at mapagbawalan ang mga gumagamit ng e-bikes na dumaan sa mga nabanggit na lugar.
Dagdag pa ng alkalde na ang pagpapatupad sa pagbabawal sa pagdaan ng mga e-bikes sa mga pangunahing kalsada ay hindi lamang upang mapaluwag ang daloy ng trapiko kundi para na rin masiguro ang kaligtasan ng mga gumagamit ng e-bikes at ng iba pang mga motorista.
Pinayuhan na rin ni Olivarez ang mga e-bike users na sumunod na lamang sa ipinatutupad na polisiya ng LTO kung saan mariing sinusuportahan ito ng lokal na pamahalaan upang hindi na magkaroon pa ng problema. (James I. Catapusan)