Home METRO Most wanted na armado ng granada, 3 iba pa arestado sa Taguig

Most wanted na armado ng granada, 3 iba pa arestado sa Taguig

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Taguig City police ang isang notoryus na puganteng armado ng granada na nahaharap sa walong nakabinbing warrant of arrest at tatlong iba pa sa ikinasang operasyon sa Barangay Calzada-Tipas nitong nakaraang Oktubre 8.

Kinilala ng Taguig City police ang wanted na inarestong suspek na si alyas Sonny Boy, 28, residente ng Barangay Tanyag, at isang alyas Gil Angelo dahil sa ilegal na pag-iingat ng isang hindi lisensiyadong .38 kalibre rebolber na kargado ng apat na bala habang dalawa pang indibidwal ang inaresto dahil umano sa paghadlang sa mga pulis na nagsasagawa ng pag-aresto sa mga suspek.

Sa report na isinumite ng Taguig City police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Rodel Pastor, nadakip sa bisa ng warrant of arrest ang suspek kaugnay sa kasong murder na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 262 kung saan narekober sa posesyon ng suspek ang isang granada.

Batay sa pagsusuri sa E-Warrant System, lumabas na pinaghahanap ang suspek dahil sa walong nakabinbin na kaso na mayroong mga warrant of arrest sa Taguig, Pasig, at Rizal kabilang ang robbery, robbery with intimidation, paglabag sa Anti-Carnapping Law, at frustrated murder.

Dinala ang apat na suspek sa mga pasilidad ng pulisya para sa booking, dokumentasyon, at paghahain ng kaukulang mga kaso.

“Patuloy nating tututukan ang pagtugis sa mga wanted person upang maiharap sila sa hukuman. Kasabay nito, paiigtingin natin ang mga operasyon laban sa ilegal na armas upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko,” ani Pastor. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here