SA patuloy na pag-usbong ng motorcycle taxi bilang alternatibong transportasyon sa bansa, hindi maikakaila ang ginhawang dulot nito lalo na sa mga nagmamadali at nais makaiwas sa matinding trapiko. Ngunit kasabay ng bilis at accessibility, may mga karanasang dapat seryosohin, lalo na kung ang pasahero ay babae.
Noong Biyernes (January 2), napilitan akong sumakay ng motorcycle taxi upang makarating sa oras sa aking patutunguhan. “Move It” ang aking nasakyan, at may nakalagay na box sa likuran ng motorsiklo. Inalok ng rider na doon ko na lang ilagay ang aking bag na para sa akin isang alok na inakala kong magdudulot ng mas komportableng biyahe. Sa unang tingin, tila maayos ang set-up. Ngunit sa aktwal na biyahe, kabaligtaran ang aking naranasan.
Sa halip na maging komportable, ako’y naiilang at iritable. Ang aking katawan ay nasisiksik sa pagitan ng rider at ng box sa likuran. Pilit kong iniiwasan na dumikit ang harapang bahagi ng aking katawan sa likod ng driver na tila umuusog pa upang lalo akong maipit. Dahil dito, hindi ako makakapit nang maayos. Ang aking dalawang kamay ang nagsilbing panangga sa aking dibdib upang maiwasan ang hindi kanais-nais na pagkakadikit.
Hindi ko masabi kung sinasadya ba ng rider ang ganitong sitwasyon. Ngunit sapat na ang posibilidad upang magdulot ng takot, pangamba, at discomfort sa babaeng pasahero. At dito nagiging malinaw na ang usapin ay hindi lamang kaginhawaan, kundi kaligtasan at dignidad.
Kailangang pumasok ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang magtakda ng malinaw na panuntunan. Dapat may standard sa disenyo ng motorsiklo at accessories lalo na ang mga box sa likuran upang hindi mailagay sa alanganin ang pasahero. Higit sa lahat, kailangang may malinaw na mekanismo upang maiwasan ang pang-aabuso at pananamantala sa mga babaeng sumasakay.
Hindi rin dapat palampasin ang isyu ng “tip muna bago tanggapin ang booking.” Hindi ito dapat itolerate ng LTFRB. Ang paulit-ulit na paghingi ng dagdag na bayad bago tanggapin ang biyahe ay malinaw na pang-aabuso sa pasahero, lalo na sa mga nagmamadali at walang ibang opsyon.
Kung nais nating manatiling bahagi ng solusyon ang motorcycle taxi sa krisis sa transportasyon, dapat itong ayusin at hindi lamang para sa bilis ng biyahe, kundi para sa dignidad, kaligtasan, at kapanatagan ng bawat pasahero, lalo na ng kababaihan. Tama ba Atty. Ariel Inton?






