Home OPINION HUDAS SA PAMAHALAAN, HUDAS SA BAYAN

HUDAS SA PAMAHALAAN, HUDAS SA BAYAN

4
0

SINASABI ng Konstitusyon 1987, Article 2, Section 1, “Nasa mga tao ang kapangyarihan at nagmumula sa kanila lahat ng kapangyarihan ng pamahalaan.”

Kaya naman, sinasabi rin ng Article 2, Section 4 na “Pangunahing tungkulin ng Pamahalaan na paglingkuran at pangalagaan ang sambayanan.”

Kabilang ang dalawang ito sa mga pangunahing dahilan kung bakit laging inoobliga at iginigiit sa lahat ng mga namumuno sa bansa, kasama ang mga pulis, sundalo at iba, na protektahan o ipagtanggol ang Konstitusyon.

Sa ngayon, nakatuon ang mga mata ng pinakamatataas na lider ng bansa sa agawan sa kapangyarihan, lalo na sa Palasyo na kayang paikutin ang bumbunan ng mga nasa Senado at Kamara.

Kitang-kita ang agawan sa kapangyarihan sa kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Kitang-kita ang agawan sa kapangyarihan sa hudasan sa mga senador para maging miyembro ng mayorya o minorya upang magtagumpay o mabigo ang impeachment.

Nauna rito, ganap nang kinalimutan ng nakararaming pinakamatataas na lider sa Palasyo at Kongreso bigyan ng pansin ang pinakamatinding korapsyon sa kasaysayan ng bansa, partikular sa mga flood control project, na ikinamamatay at ikinahihirap nang labis ng mga mamamayan at ikinababagsak ng ekonomiya ng Pilipinas.

Naunang kahit ni isang daliri ay hindi nagtaas ang Kamara upang imbestigahan ang flood control scam at basta na lang ding itinigil ng Senado ang imbestigasyon nito nang may naglabasan nang mga testigo na nagdidiin sa pinakamataas na lider sa pagkakasangkot dito.

Klarong hinudas naman ng mga lider mismo ang mga tao, ang sambayanan.

Ganap nilang kinalimutan ang obligasyong protektahan ang Konstitusyon batay sa nasabing mga prinsipyong inilahad sa Article 2, Section 1 at 4.

Sa ganitong sitwasyon, nasaan naman ang kaisipan at pagkilos ng mga mamamayan na sila na ang pangunahing tinatawagan para protektahan ang Konstitusyon dahil nanganganib ang kanilang kapangyarihan sa mga nanghuhudas sa kanila?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here