MANILA, Philippines – Magdedeploy ng mga tauhan ang Philippine Coast Guard (PCG) para umagapay sa malaking pagtitipon sa Enero 9 partikular sa Traslacion 2026.
Ayon sa PCG, tutulong ang 200 hanggang 300 tauhan nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at pamahalaang lokal ng Maynila sa pagtiyak ng seguridad ng publiko at mga deboto.
Ilalagay ang mga Coastguardian sa mga estratehikong lugar, kabilang ang Quirino Grandstand, Jones Bridge, Ayala Bridge, at paligiran ng Quiapo Church, upang suportahan ang pamamahala ng crowd at mga operasyon sa pagtugon sa emerhensiya.
Ayon kay Captain Noemie Cayabyab,tagapagsalita ng PCG, kasama sa deployment ng Coast Guard ang mga medical responder, K9 units, Search and rescue teams, at mga espesyal na yunit, tulad ng mga puwersa sa Explosive Ordnance Disposal, Special Operations Groups, Civil Disturbance Management teams, at Deployable Response Groups upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang emerhensiya o insidente sa dagat.
Dagdag pa ng PCG, mayroon ding karagdagang personnel para sa force aumentation na naka-standby sakaling kakailanganin.
“Close coordination with the AFP, PNP and Manila City LGU will be maintained to ensure seamless interagency operations in safeguarding the millions of devotees expected to participate in Traslacion 2026,” sabi ni Capt.Cayabyab.
Hinihikayat din ng PCG ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko sa buong kaganapan. Jocelyn Tabangcura-Domenden