Home OPINION BAKIT ‘DI DAPAT PANIWALAAN SI BERNARDO?

BAKIT ‘DI DAPAT PANIWALAAN SI BERNARDO?

252
0

TAONG 2026 na ngunit wala pa ring napananagot sa trilyong pisong katiwalian sa flood control projects. Hindi ba’t binola tayo, ehek, pinangakuan pala ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na makukulong ang mga sangkot bago mag-Pasko?

Wala ring malinaw na pag-usad sa mga kaso na may mga kinalaman ang mga “big fish” tulad ni dating House Speaker Martin Romualdez. E kasi, sadyang binalewala ang mahahalagang testimonya at matitibay na ebidensya. Hindi binusisi ng Office of the Ombudsman ang video series ng dating kongresistang si Zaldy Co na direktang iniugnay sina Marcos Jr. at Romualdez bilang mga “utak” sa pinakamalaking karukutan sa kasaysayan ng bansa.

Hindi rin binigyang-halaga ang salaysay ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na ngayo’y nakakulong habang isinantabi ang salaysay ni Sgt. Orly Guteza na nagsabing ilang beses personal na naghatid kay Romualdez ng male-maletang pera.

Kaya naitatanong kung ano nga ba ang ginagawa ng Department of Justice at ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla. Imbes na magpokus sa mahahalagang lead, dokumento at salaysay, inuuna pa ang pagbuo ng mga kuwentong maglilinis sa magpinsan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga scapegoat o fall guy.

Eksampol sina dating DPWH Usec. Roberto Bernardo at ang tinaguriang “BGC Boys” sa pangunguna ni dating District Engineer Henry Alcantara. Sa kanilang mga salaysay, kapansin-pansing wala ang pangalan nina Marcos Jr. at Romualdez ngunit kung sino-sino ang inginunguso.

Hindi consistent si Bernardo na pabago-bago ng kwento na para bang paulit-ulit na inaayos ang takbo at eksaktong umaayon sa direksyon ng imbestigasyon ni Remulla. May pinipiling hindi isama sa demanda pero may idinidiin na wala namang kinalaman.

Nagsumite si Bernardo ng limang affidavits, isang original at sunod-sunod na supplementary affidavits. Bakit kailangang paulit-ulit ang dagdag? May bagong ebidensya ba talaga, o may nagdidirek lang sa kanya kung sino ang dapat niyang idiin para mailayo ang katotohanan?

Malinaw na hindi kakulangan ng ebidensya ang tunay na problema kundi ang kung sino ang pinipiling pakinggan sa isyu ng katiwaliang ito. Nasaan ang hustisya?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here