THE HAGUE, Netherlands – Pormal nang tinalikuran ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang karapatang dumalo sa ikalimang status conference na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026, kaugnay ng paghahanda sa kanyang paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa dokumentong inihain ng depensa noong Oktubre 30, 2026, ipinaalam ng kanyang mga abogado sa Trial Chamber III noong Oktubre 28 ang desisyon ni Duterte.
Pinamumunuan ang Trial Chamber III nina Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Inaprubahan ng lupon ang kahilingan noong Oktubre 29 at iniutos sa depensa na isumite ang nilagdaang waiver upang maisama sa opisyal na rekord ng korte.
Bilang pagsunod, isinumite ni Lead Counsel Peter Haynes, KC, ang nilagdaang dokumento bilang kalakip sa kanilang paghahain.
Sa pamamagitan ng waiver, inatasan ni Duterte ang kanyang mga abogado na humawak sa lahat ng usaping pamamaraan na nakasaad sa agenda ng status conference, gayundin sa iba pang maaaring lumitaw sa pagdinig.
Nagtakda ang Trial Chamber III ng mga usaping tatalakayin sa status conference bilang paghahanda sa paglilitis kay Duterte.
Gaganapin ang pagdinig mula 10:00 hanggang 11:30 a.m. CET o 5:00 hanggang 6:30 p.m. sa Pilipinas. Kung kinakailangan, magpapatuloy ito mula 12:00 hanggang 1:30 p.m. CET o 7:00 hanggang 8:30 p.m. sa Pilipinas.
Ila-livestream ang pagdinig sa website at Facebook accounts ng ICC, ngunit may 30 minutong pagkaantala ang broadcast.
Kabilang sa mga tatalakayin ang iskedyul ng mga pagdinig bawat araw, testimonya sa pamamagitan ng audio-visual link, karapatang magsalita sa korte, listahan ng mga testigo at bilang ng oras na ilalaan sa prosekusyon para sa paglalahad ng ebidensya.
Tatalakayin din ang mga posibleng ebidensyang maaaring magpawalang-sala kay Duterte, mga napagkasunduang katotohanan at pagkakasunod-sunod ng pagtawag sa mga testigo, mga aplikasyon sa ilalim ng Rule 68(3), mga hakbang para sa proteksiyon sa loob ng korte at seguridad ng mga misyon ng depensa.
Dahil inaprubahan ng Trial Chamber ang kanyang kahilingan, hindi dadalo si Duterte sa naturang status conference. RNT/MDS