MANILA, Philippines – Narekober sa ikinasang interdiction operation ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang walong inbound parcels sa Central Mail Exchange Center (CMEC) na naglalaman ng kabuuang 2,482 gramo ng high-grade na pinatuyong dahon ng marijuana o Kush Huwebes ng umaga, Enero 8.
Sa inisyal na report na pinamunuan ng NAIA-IADITG/AIU 1, naisagawa ang interdiction operation kabilang ang iba pang ahensya ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) bandang alas 10:00 ng umaga sa CMEC), Domestic Road, Pasay City.
Nabatid sa isinagawang operasyon na nadiskubre ng mga nabanggit na operatiba ang walong abandonadong mga parcel na naglalaman ng may kabuuang 2482 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana o Kush na nagkakahalaga ng P3,723,000.
Ang mga narekober na ilegal na droga ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination.
Nahaharap naman ang mga consignee na nakapangalan sa bawat parcel sa kasong paglabag ng Section 4 Art. Il ng Republic Act 9165 o ang tinatawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan