NAPAKARAMI ngayon ang isinusugod sa mga pampublikong pagamutan o ospital lalo na mga bata.
Ang sakit?
Isa sa mga pangunahing sintomas ang pagsusuka kahit walang lagnat at ubo.
Dahil sa pagsusuka, nanghihina at namumutla ang mga biktima.
Kailangan nilang itakbo sa klinika o ospital para makabitan ng suwero at malapatan ng lunas.
Sa tatlong araw sa ospital, nakauubos ang mga ito ng 4-6 bag bago sila payagang umuwi makaraan ang tatlo o higit pang araw.
Mga 1 taon hanggang nasa elementarya ang karaniwan sa mga tinamaan.
Nagkakasakit maging ang mga nag-aaral mula kindergarten hanggang elementarya na may mga suplay pa ng mga pagkaing nagmumula sa Department of Social Welfare and Development at Department of Education.
Dahil sa rami ng mga bata na tinatamaan ng ganitong sakit, napakaraming problema ang ibinubunga nito gaya ng personal kong nasaksihan.
Natitigil o nag-a-absent ang mga magulang sa trabaho at dahil relyebo ang ina o ama sa pagbabantay sa ospital, napupuyat sila at napapagod na nakasasama sa usapin ng kalagayan ng kanilang ibang anak sapagkat napababayaan ang pagkain at pag-aasikaso sa mga ito sa kanilang pag-aaral.
Ramdam na ramdam ang problemang pangkabuhayan, lalo na sa parte ng mga “no work, no pay” ang mga pinagkakakitaan.
Bukod sa hirap sa kabuhayan, magastos pa ang pagpapaospital habang nakaratay ang maysakit.
Pangunahin sa mga pinakamabigat na pasanin ang kawalan ng gamot sa mga ospital at kinakailangang may pambili ang mga magulang ng mga suwero at nireresetang gamot.
May mga ospital namang may suplay ng suwero ngunit karaniwang pinabibili ang mga magulang o bantay ng mga dagdag dito.
Mabuti na lang, may Malasakit Center na kanilang tinatakbuhan sa mga huling araw at ang mga nakalistang bayarin ay nilalapatan ng Zero Billing.
Dito na lang umaasa nang paggaan ng kalagayan ng nakararaming tumatakbo sa ospital.
Ano nga kaya ang sakit na ito na pagsusuka ang nakikitang pangunahing sintomas?






