Home OPINION GENERAL BRAWNER, ANO NA?

GENERAL BRAWNER, ANO NA?

206
0

SIYAMNAPU’T apat na porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang laganap ang katiwalian sa gobyerno, ayon sa Pulse Asia.

At karamihan sa bilang ding ito ang nagsasabi na wala na silang katiwa-tiwala sa kasalukuyang pamahalaan dahil sa nangyayaring talamak na nakawan sa salaping bayan.

Tanungin ang mga ordinaryong taxpayers. Bakit pa raw sila magbabayad ng buwis kung nanakawin lang daw ng mga buwaya sa gobyerno? Ito ay hindi isang guni-guni, kundi isang reyalidad na nangyayari ngayon sa bansa.

Ang katiwalian ay tila naging isa nang pag-uugali ng mga opisyal ng gobyerno at politiko. Binago nito maging ang pagsunod ng mga namumuhunan at ng mga nagbabayad ng buwis. Ibinagsak din ng katiwalian ang pasensya, pag-asa, at dignidad ng lahat.

Naaalala natin ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner na ang kasundaluhan ay kaisa ng mga Pilipino sa paglaban sa katiwalian. Ang katapatan nito ay sa Konstitusyon at sa sambayanan, hindi sa mga politiko. Ngunit ano na ang nangyari sa pahayag na ito ni Brawner?

Laganap ang pandarambong ng mga nasa gobyerno ngunit walang AFP o General Brawner na lumalaban para sa taumbayan na ninanakawan. Ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ay pambabalasubas sa Konstitusyon at sa sambayanang Pilipino. Hindi ba mahal na heneral?

Ang pagiging kaisa ng bayan ay hindi lamang paglalabas ng matitinding pahayag, ipinapakita rin ito sa pamamagitan ng matinding aksyon upang supilin ang katiwalian.

General Brawner, poprotektahan mo ba ang taumbayan o mananahimik ka na lang para sa kaligtasan ng iyong karera at pansariling kaginhawaan? Wala naman kaming magagawa kung nais mong maging hayahay ka na lang. Buhay mo yan.

Kaya pa namang tiisin ng taumbayan ang kahirapan na dulot ng malawakang nakawan. Kaya pa ng maraming Pilipino na magdildil ng asin. Kaya pang lumangoy sa mga baha. Kaya pang maglakbay sa mga lubak-lubak na lansangan. Kaya kahit ano pang hirap ‘yan.

Ang hindi lamang namin makaya ay ang pakiramdam na kami ay tinalikdan. ‘Yung walang sinoman sa loob ng sistema na gumagawa ng hakbang para wakasan ang kabulukan sa pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here