MANILA, Philippines – Sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos na ang Anti-Political Dynasty Bill ay kabilang sa 17 panukalang batas ng LEDAC na nakatakdang talakayin sa antas ng komite.
Kinumpirma niya ito bago ang pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Enero 26 matapos ang isang buwang holiday break.
Bukod sa Anti-Political Dynasty Bill, tatalakayin din ang 16 pang panukala, kabilang ang mga amyenda sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, general tax amnesty, online gambling, Cybersecurity Act, Digital Payments Act, Magna Carta for Barangays, Anti-Money Laundering Act, Party-list System Reform Act, at iba pang panukalang may kinalaman sa buwis, enerhiya, halalan, at good governance.
“Our target when we return from recess is to move as many of the social protection, health, education and good governance measures up the pipeline, from TWG (technical working group) briefings to committee reports, then to the floor,” ani Rep. Marcos.
Binigyang-diin din niya na, “LEDAC is not a separate track from the people’s priorities; these are the same bills that touch classrooms, hospitals, barangay halls, rice prices and jobs.”
Ang Anti-Political Dynasty Bill ay matagal nang isinusulong.
Bagama’t may probisyon ang 1987 Constitution laban sa political dynasties, hindi ito naipapatupad dahil walang batas na magpapatupad nito.
Isa sa mga hadlang noon ang malinaw na depinisyon ng “political dynasty.”
Noong Disyembre 11, inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Rep. Marcos ang House Bill No. 6771, na inaasahang magsisilbing pangunahing panukala sa mga pagdinig.
Ayon sa HB 6771, ang political dynasty ay ang pagkonsentra ng kapangyarihang pampulitika sa mga magkakamag-anak, at magbabawal sa mga asawa, kapatid, at kamag-anak hanggang ikaapat na antas na sabay-sabay humawak ng tiyak na halal na posisyon sa gobyerno. RNT/MND