MANILA, Philippines – Magkakaroon ng mahigit 12,000 personnel na magbabantay upang masiguro ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdiriwang ng tatlong festival ngayong Enero: Sinulog sa Cebu City, Ati-Atihan, at Dinagyang sa Iloilo City, ayon sa PNP.
“Hindi lang ito pagbabantay. Nandito ang PNP para maglingkod, umalalay, at siguraduhing ligtas ang bawat deboto at mga bisita,” sabi ni PNP acting chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa Sinulog Festival (Jan. 9–25), 6,500 personnel ang naka-deploy, kabilang ang mga police officer, BFP, PCG, PN, AFP, BJMP, DOH, at Cebu City Transportation Office.
Para sa Ati-Atihan (Jan. 12–18) ay 2,980 personnel, at sa Dinagyang (Jan. 25) ay 3,078 personnel ang magbabantay.
Ipinaalala rin na suspindido ang mga permits para sa firearms at explosives, at tanging mga opisyal na naka-uniporme at may awtorisasyon lamang ang papayagang magdala ng armas. Magkakaroon din ng assistance desks, medical teams, at crowd safety measures sa mga pangunahing lugar. RNT/MND