MANILA, Philippines – Isinagawa ng technical working group (TWG) ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kanilang ikalimang closed-door asset recovery meeting nitong Martes, kaugnay ng imbestigasyon sa flood control anomalies.
Ang pagpupulong, na ginanap sa headquarters ng ICI sa Taguig City, ay pinamunuan ni TWG Chair at Acting Cybercrime Investigation and Coordinating Center Executive Director Renato Paraiso.
Sa kanyang pagbubukas, binigyang-diin ni Paraiso na layunin ng TWG na panagutin ang mga responsable sa iskandalo, mabawi ang mga assets, at mapanatili ang mga ito bilang gabay sa magiging hatol ng publiko.
Dumalo rin sa pagpupulong sina ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, ICI special adviser Rodolfo Azurin, at mga kinatawan mula sa Office of the Solicitor General, Department of Justice, Anti-Money Laundering Council, Armed Forces of the Philippines, at Bureau of Customs.
Noong Enero 8, 14 sa 24 luxury vehicles na umano’y pag-aari ng resigned Ako Bicol Rep. Zaldy Co at mga kaakibat na kumpanya ang nasamsam matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na ito ay nasa parking lot ng isang condominium sa Taguig.
Ayon sa Highway Patrol Group, 10 pang luxury cars ang kasalukuyang hinahanap kaugnay sa kaso. RNT/MND