Home NATIONWIDE Makasaysayang kasunduan sa malayang kalakalan, sinelyuhan ng Pilipinas, UAE

Makasaysayang kasunduan sa malayang kalakalan, sinelyuhan ng Pilipinas, UAE

229
0

MANILA, Philippines – Sinelyuhan na ng Pilipinas at United Arab Emirates nitong Martes ang isang kasunduan para sa isang malayang kalakalan habang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nasa Abu Dhabi para sa dalawang araw na working visit.

Nasaksihan ni Pangulong Marcos, kasama si UAE President His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang paglagda at palitan ng Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) na nilagdaan ni Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque para sa Pilipinas.

Ginawa ang paglagda ng CEPA sa sidelines ng Abu Dhabi Sustainability Week (ADSW) 2026 Summit na ginanap sa Abu Dhabi National Exhibition Center.

Ang CEPA ay isang makasaysayang tagumpay bilang kauna-unahang free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansang nasa Gitnang Silangan.

Nilalayon ng kasunduan na bawasan ang mga taripa, palakasin ang market access para sa mga produkto at serbisyo, pataasin ang pamumuhunan, at lumikha ng mga bagong pagkakataon para sa mga Pilipinong propesyonal at service providers na nasa UAE.

Saklaw nito ang mga mahahalagang sektor tulad ng digital trade, MSMEs, sustainable development, intellectual property, competition at consumer protection, government procurement at technical cooperation.

Makikinabang ang mga exports ng Pilipinas tulad ng saging, pinya, canned tuna, electronics, machinery at iba pang mga high-demand na produkto.

Umabot sa halos US$1.83 bilyon ang bilateral na kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa noong 2024, kung saan ang UAE ay ika-18 sa pinakamalaking trading partners ng Pilipinas na may halos 39 porsyento ng mga export ng Pilipinas sa Middle East.

Ayon sa mga paunang pag-aaral, maaaring palakasin ng CEPA ang pag-export ng Pilipinas sa UAE ng 9.13 porsyento, maghatid ng savings sa consumer, at palakasin ang pangkalahatang ugnayan sa kalakalan ng Pilipinas sa Gulf region.

Tinitiyak ng kasunduan ang isang matatag, walang diskriminasyong environment para sa mga kumpanyang Pilipino, kabilang ang mga MSME, sa mga sektor tulad ng IT-BPM, turismo, kalusugan, edukasyon, konstruksiyon, at mga propesyonal na serbisyo.

Inaasahang ang CEPA ay makakapagpalakas sa network ng mga FTA ng Pilipinas sa Japan, South Korea, European Free Trade Agreement, at mga kasunduan sa rehiyon sa loob ng Association of Southeast Asian Nations at mga trade partner, kabilang ang Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement.

Inaasahan palalakasin nito ang mga dati nang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at UAE, tulad ng Investment Promotion and Protection Agreement at kooperasyon sa kalakalan, enerhiya, logistics, innovation at tourism.

Dumalo rin sa seremonya ng paglagda sina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, Finance Acting Secretary Frederick Go, at Special Envoy to the UAE for Trade and Investment Kathryna Yu-Pimentel.

Matapos ang seremonya, nagkaroon ng maikling pagpupulong si Pangulong Marcos at si UAE President His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan. Ito ang kanilang ikalawang pagpupulong mula noong Nobyembre 2024, na nagpapakita ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng Manila at Abu Dhabi. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here