MANILA, Philippines — Aabot sa 10,000 fire safety inspectors ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang iimbestigahan dahil sa umano’y kickback scheme kaugnay ng overpriced fire safety equipment, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes.
Bumuo ang DILG ng espesyal na task force upang siyasatin ang lahat ng fire inspectors sa buong bansa.
Bumili ang DILG ng 14,000 body camera upang i-record ang bawat inspeksyon. Kailangan sundin ng mga inspector ang standard script at agad na magbigay ng certificate kung walang nakitang paglabag.
“Lahat po ito naka-body camera, so upon inspection, sasabihin niya kung ano ang nakikita nila, kung wala silang makitang violation, right there and then, kailangan ibigay na nila iyong certificate and iyong digital copy is to follow, so wala ng delay,” ani Remulla.
Maari lamang tukuyin ng mga inspector ang depekto ng kagamitan ngunit hindi sila puwedeng magrekomenda kung alin ang bibilhin.
Sinimulan na rin ng DILG ang pormal na imbestigasyon laban sa dating miyembro ng bids and awards committees, tauhan ng Quezon City Fire Department, BFP NCR, at pamunuan ng ahensya.
Nilinaw ni Remulla na ang fire code fees na kinokolekta ng LGUs ay ipinapasa sa National Treasury at inilalagay sa trust fund para sa BFP.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng mga ulat na may ilang BFP personnel na umano’y pinipilit ang may-ari ng gusali na bumili ng kagamitan sa piling supplier sa mataas na presyo kapalit ng fire safety inspection certificates. Santi Celario