MANILA, Philippines — Pinalaya ang isang suspek sa pagpatay sa isang walong taong gulang sa San Pablo City, Laguna, matapos matukoy ng City Prosecutor’s Office na kulang ang ebidensya ng pulisya.
Ang suspek, isang 59-taong-gulang na kamag-anak at kapitbahay ng pamilya ng bata, ay naaresto matapos kilalanin siya ng dalawang saksi. Wala pa ring nakuhang armas o damit na may dugo na umano’y ginamit sa krimen.
Ayon sa awtoridad, ang pagpatay ay nag-ugat sa pagtatalo ng biktima at ng apo ng suspek. Itinanggi ng suspek ang akusasyon: “Mali po ang paratang nila. Hindi ko po ginagawa ’yun. Malinis po ang konsensya ko.”
Ipinahayag naman ng ama ng bata na si Jun-Jun Suarez ang pagkabigla na kamag-anak pa ang gumawa ng krimen.
“Hindi ako makapaniwala na kamag-anak ko pa ang gagawa ng krimen sa anak ko kasi kami naman ay magpinsang buo. Ang kaniyang ama at aking ina ay magkapatid. Aminin na niya nang mabawasan naman ang sama ng loob ko sa kanila.”
Inutusan ng prosecutor’s office ang pulisya na magtipon ng karagdagang ebidensya laban sa suspek. RNT