CEBU, Philippines – Nagsampa na ng kasong kriminal ang Cebu Police Provincial Office (CPPO) laban sa isang pulis na naka-assign sa Tabogon Municipal Police Station kaugnay ng umano’y pananakit sa isang person with disability (PWD), kinumpirma noong Enero 13.
Ayon sa CPPO, kaso ng physical injuries at grave threats ang pormal na inihain sa korte laban sa pulis, dahilan upang umusad ang isyu mula sa internal investigation patungo sa judicial proceedings.
Nitong Enero 14, sinabi ng Tabogon police na nakapagpiyansa na ang pulis at pinalaya, ngunit magpapatuloy ang administratibong kaso laban sa kanya.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa isang roadside confrontation matapos parehong sakay ng motorsiklo ang pulis at ang biktima.
Makikita sa CCTV footage na hinarangan umano ng pulis ang PWD, bumaba sa motorsiklo, at paulit-ulit na sinuntok ang biktima hanggang ito’y matumba.
Nagpatuloy pa raw ang pananakit kahit nasa lupa na ang biktima at sinusubukang umalis.
Umani ng pansin ang kaso matapos kumalat sa social media ang video, na nagtulak sa agarang aksyon ng mga awtoridad.
Kinumpiska na rin ang baril at police equipment ng pulis bilang bahagi ng standard procedure.
Sa isang pahayag, sinabi ni CPPO Director Police Colonel Abubakar Udang Mangelen Jr. na mabilis silang kumilos upang ituloy ang parehong kriminal at administratibong hakbang, at iginiit na “violence will not be tolerated”, lalo na laban sa mga vulnerable individuals.
Binigyang-diin din ni Mangelen na pananagutin ang sinumang pulis anumang ranggo, at hahawakan ang kaso nang may transparency, impartiality, at due process.
Dagdag ng CPPO, hindi umano kinakatawan ng insidente ang karamihan ng pulis sa Cebu, at magpapatuloy ang internal cleansing at disiplina habang dinidinig ang kaso sa korte. RNT/MND