Home TOP STORIES Death penalty hiling laban sa dating pangulo ng South Korea

Death penalty hiling laban sa dating pangulo ng South Korea

236
0

KOREA – Nanawagan noong Martes ang mga South Korean prosecutor na ipataw ang parusang kamatayan kay dating pangulong Yoon Suk Yeol kaugnay ng kanyang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 2024 na nagdulot ng matinding kaguluhan sa bansa.

Nagkaroon ng krisis pampulitika nang ipatigil ni Yoon ang pamahalaang sibilyan at magpadala ng mga sundalo sa parlamento upang ipatupad ang martial law.

Nabigo ang hakbang at siya ang naging kauna-unahang nakaupong pangulo ng South Korea na inaresto noong Enero.

Natapos noong Martes, matapos ang 11 oras na pagdinig, ang paglilitis kay Yoon kaugnay ng mga kasong insurrection, abuse of power, at iba pang paglabag na may kaugnayan sa martial law.

Sa kanilang closing remarks, inakusahan ng mga prosecutor si Yoon bilang pinuno ng isang “insurrection” na umano’y udyok ng “lust for power aimed at dictatorship and long-term rule.”

Dagdag pa nila, wala umano siyang ipinakitang pagsisisi sa mga kilos na nagbanta sa “constitutional order and democracy.”

“The greatest victims of the insurrection in this case are the people of this country,” ayon sa mga prosecutor.

“There are no mitigating circumstances to be considered in sentencing, and instead a severe punishment must be imposed.”

Sa kanyang depensa, iginiit ni Yoon na ginamit lamang niya ang kanyang legal na kapangyarihan bilang pangulo.

“It was not a military dictatorship that suppresses citizens, but an effort to safeguard freedom and sovereignty, and revive the constitutional order,” ani Yoon ayon sa Yonhap.

Inaasahang ilalabas ng korte ang desisyon sa Pebrero 19. Ikinumpara naman ng kampo ni Yoon ang kanyang kaso kina Galileo Galilei at Giordano Bruno, na umano’y maling hinatulan, sabay sabing: “The majority does not always reveal the truth.”

Hiniling din ng mga prosecutor ang habambuhay na pagkakakulong para sa dating defense minister na si Kim Yong-hyun. Kabuuang walong akusado ang nililitis kaugnay ng tangkang martial law.

Kung mapapatunayang nagkasala, si Yoon ang magiging ikatlong pangulo ng South Korea na mahahatulan dahil sa insurrection.

Gayunman, kahit mahatulan ng kamatayan, malabong maisakatuparan ito dahil may hindi opisyal na moratorium ang bansa sa executions mula pa noong 1997. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here