QUEZON CITY — Isang 65-anyos na babae ang natusok sa mukha ng bakal na bahagi ng steel plantbox habang kumukuha ng malunggay sa Barangay San Agustin, Novaliches noong Martes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), gumamit ng hydraulic cutter ang rescuers at binungkag ang bahagi ng konkreto sa bakod upang mailigtas ang babae. Umabot ng halos 30 minuto ang rescue operation.
“Ang naging challenge lang sa amin ay siyempre nakatusok siya doon sa bakal. So hindi namin pwedeng basta-basta galawin, so nagdahan-dahan lang tayo doon, hanggang sa matanggal natin siya doon sa pagkakatusok,” ani QCFD Special Rescue Force team leader SFO2 Richard Andrew Roces.
Sa kabutihang palad, walang apektadong pangunahing ugat.
Ayon sa mga nakasaksi, nahilo ang biktima at nadulas sa gilid ng plantbox bago siya naipit. Pag-aari umano ng kanyang kapitbahay ang plantbox.
Sumailalim ang biktima sa operasyon upang matanggal ang bakal at kasalukuyan na siyang nagpapagaling.
Pinayuhan ng awtoridad na agad tumawag ng emergency responders at panatilihing steady ang biktima sa ganitong insidente. Santi Celario