MANILA, Philippines – Patay ang isang 25-anyos na security guard makaraang nakuryente habang pumipitas ng mangga sa isang puno sa playground area sa loob ng Springville Subdivision, Brgy. Molino VI, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat, sa taas ng puno ng mangga nakita ang biktima na si alyas Francis, security guard ng Springville Meadows 2, Brgy. Molino ng nasabing lungsod.
Batay sa salaysay ni alyas Gallardo, isang retiradong seafarer, bandang alas-2:00 ng hapon ay nakarinig siya ng malakas na pagsabog na hinihinalang dulot ng power line explosion, kasunod ng pagkawala ng kuryente sa lugar.
Pinuntahan niya ang pinagmulan ng pagsabog at nakita ang biktima sa itaas ng puno ng mangga sa playground area ng Springville Meadows 2, Brgy. Molino VI, Bacoor City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangunguha ng mangga ang biktima gamit ang isang panungkit nang dumikit ang bakal na bahagi nito sa live electrical wire, na nagresulta sa kanyang pagkakakuryente at pagkamatay. Margie Bautista