Home METRO 6 Barangay Kagawad, 47 iba pa, himas-rehas sa tupada

6 Barangay Kagawad, 47 iba pa, himas-rehas sa tupada

217
0

APARRI, Cagayan — Arestado ang anim na barangay kagawad at 47 iba pang indibidwal matapos maaktuhan ng pulisya ang umano’y ilegal na tupada sa Zone 7, Barangay Maura, Aparri, Cagayan, hapon ng Enero 14, 2026.

Sa pinaigting na kampanya laban sa illegal gambling ni PMaj. Junniel Perez, hepe ng Aparri Police Station, pansamantalang itinago sa mga alyas na “Delfin”, “Fidel”, “Benz”, “Cecilio”, at “Carnelio” ang mga nahuling barangay kagawad ng Barangay Maura na umano’y nagsilbing mga operator ng ilegal na sabong. Kasama rin sa mga naaresto si alyas “Redge”, barangay kagawad ng Barangay San Antonio sa nasabing bayan.

Dakong alas-3:30 ng hapon nang isagawa ang operasyon ng pulisya kung saan nadatnan ang mga suspek na aktibong nagpapatakbo, namamahala, at nakikilahok sa ilegal na tupada.

Nakumpiska ng mga kapulisan ang iba’t ibang ebidensya, kabilang ang mga panabong na manok; isang itim na kahon na naglalaman ng walong tari, sinulid, mga lalagyan ng tari, tape, at pantasa; isang brown na kahon na may 18 tari at pantasa; isang logbook; dalawang plakard na may markang “Meron” at “Wala”; isang maroon na sling bag; at bet money na nagkakahalaga ng Php 36,933 sa iba’t ibang denominasyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang buong lawak ng ilegal na aktibidad at ang posibleng pananagutan ng mga naarestong opisyal at indibidwal na sabungero. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here