MANILA, Philippines – Apat na kalalakihan kabilang ang dalawang drug suspects ang isinelda matapos mahuli sa aktong naglalaro ng iligal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Napag-alaman na alas 8:00 ng Gabi nang unang inaresto ang dalawang lalaki habang nagkacara y cruz nang madaanan ng mga operatiba na nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation “Oplan Galugad” sa Demitillo St., Brgy. Gen T De Leon .
Nakumpiska sa dalawamg suspek ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Renz”, 24.
Alas-2:05 ng madaling araw naman nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station 7 ang dalawang lalaki na naglalaro din ng cara y cruz sa Blk 6, Lot 13, Northville 2, Brgy., Bignay.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang damputin sila ng mga pulis at nasamsam sa kanila ang bet money at gamit na pangara habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha sa kay alyas “Allen”, 32.
Mga kasong paglabag sa Anti-illegal Gambling Law ang isasampa laban sa mga ito habang karagdagang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa ng dalawa sa kanila. Merly Duero