MANILA, Philippines – Nagpatuloy noong Biyernes sa Pasig City court ang pagdinig sa kasong human trafficking laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy, matapos tapusin ng depensa ang cross-examination sa isang testigo ng prosekusyon.
Dumalo si Quiboloy sa pagdinig. Tinapos ng depensa ang pagkuwestiyon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at nanguna sa pag-aresto kay Quiboloy noong Agosto 2024 bilang Davao Region Police Director.
Ayon sa abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, kontento ang depensa sa naging resulta ng cross-examination na tumagal dahil sa maraming paglilinaw na kanilang hiningi.
“Masaya kasi natapos yung cross-examination kay General Torre at yung mga kasama ko rin natapos rin yung cross-examination at masaya kami. Yun lang,” ani Torreon.
Ipinaliwanag ni Torreon na nakatuon ang depensa sa kanilang bersyon na kusang sumuko si Quiboloy at hindi siya puwersahang inaresto.
“Kay General Torre kami natagalan, may iba pa sana pero at least yung pinaka importante natanong namin at naclarify,” aniya.
“Kailangan namin yun matanong kasi yun ang version namin and I could not elaborate further as to whether or not we are able to prove it,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng depensa na may iba pa sana silang ihaharap na testigo ngunit naubusan ng oras.
Tumanggi naman si Quiboloy na magbigay ng mahabang pahayag sa media. Pagkatapos ng kanyang testimonya, kinumpirma ni Torre na tapos na ang kanyang pagharap sa korte.
“Natapos na ang aking testimonya,” ani Torre. “Maraming tanong eh, so I need to answer the question, it’s all part of the process,” dagdag niya.
Itinakda ng korte ang mga susunod na pagdinig sa Pebrero 20 at Marso 5, kapwa 1:30 ng hapon. RNT/MND