Home NATIONWIDE Manila City Council nagbabala sa ‘Super El Nino’: Tubig, pagkain at kuryente...

Manila City Council nagbabala sa ‘Super El Nino’: Tubig, pagkain at kuryente posibleng maapektuhan

1
0

MANILA, Philippines – NAGKASA na ng mas pinaigting na paghahanda ang Manila City Council sa inaasahang matinding epekto ng Super El Niño, kabilang ang posibleng kakapusan sa tubig, pagkain at kuryente.

Sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza, inaprubahan ng 13th City Council ang Resolution No. 10196 na nag-aatas sa mga tanggapan ng lungsod na palakasin ang information dissemination at disaster preparedness sa lahat ng barangay.

Ayon kay Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco, na pangunahing may-akda ng resolusyon, hindi dapat hintayin ng lungsod na tuluyang maranasan ang matinding epekto ng El Niño bago kumilos.

Aniya, kailangang paghandaan hindi lamang ang pagtugon sa sakuna kundi higit sa lahat ang prevention, preparedness at proteksiyon sa buhay ng mga Manilenyo.

Nagbabala naman si Councilor Atty. Jaybee Hizon na maaaring magkaroon ng malawakang tagtuyot na posibleng makaapekto sa suplay ng tubig at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kaya naman hinimok niya ang mga residente na magsimula nang magtipid ng tubig. Aniya, kung hindi man tumindi ang El Niño, makatutulong pa rin ang pagtitipid dahil bababa ang konsumo at bayarin sa tubig.

Nanawagan din si Councilor Elmer “Joel” Par na mag-imbak ng sapat na tubig kung magkakaroon ng pagkakataon, habang hinimok ni Councilor Pamela “Fa” Fugoso-Pascual ang publiko na bawasan muna ang mga gawaing hindi prayoridad sa panahon ng kakapusan sa tubig.

Samantala, hiniling ni Councilor Jefferson “Jeff” Lau sa mga barangay na tumulong sa pagpapaalala sa publiko tungkol sa wastong paggamit ng tubig at iwasan ang pag-aaksaya nito.

Hindi lamang tubig ang posibleng tamaan. Ayon kay Councilor Charry Ortega, maaaring magkaroon ng “domino effect” dahil sa matinding init—mas maraming gagamit ng kuryente para sa pagpapalamig, kaya posibleng madagdagan ang pressure sa power supply.

Iginiit naman ni Councilor Jesus “Taga” Fajardo Jr. na dapat isama sa mga barangay training at seminar ang information campaign upang maagang maihanda ang mga residente.

Binigyang-diin ni Councilor Mark Anthony “Tol Mac” Ignacio na hindi lamang trabaho ng pamahalaan ang paghahanda. Kailangan din umano ang buong kooperasyon ng mga barangay at mamamayan.

Samantala, sinabi ni Vice Mayor Atienza na ayon sa ulat na ibinahagi sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, posibleng maranasan ang epekto ng El Niño ngayong Nobyembre, habang tinatayang magiging pinakamalala ito pagsapit ng Pebrero.

Inihalintulad pa umano ang inaasahang kondisyon sa El Niño noong 1877, na inilarawang isa sa pinakamalalang naitalang El Niño.JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here