MANILA, Philippines – Naniniwala ang whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si Julie “Dondon” Patidongan na posibleng wala na sa Pilipinas ang negosyanteng si Atong Ang, na may warrant of arrest kaugnay ng kasong kidnapping with homicide.
Ayon kay Patidongan, “Sa tingin ko… nasa ibang bansa na siya.” Dagdag niya, hindi umano basta susuko si Ang dahil “not an ordinary person” ito at “International ang kanyang grupo.”
Ayon pa kay Patidongan, posibleng umalis na ng bansa si Ang noong Disyembre pa. Noong Miyerkules, naglabas ang Regional Trial Court (RTC) Branch 26 sa Sta. Cruz, Laguna ng warrant of arrest laban kay Ang at 17 iba pa matapos makitaan ng probable cause sa kasong kidnapping with homicide, isang krimeng hindi maaaring piyansahan.
Nasa kustodiya na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 17 sa 18 akusado. Isa pang warrant of arrest ang inilabas noong Biyernes ng RTC sa Lipa, Batangas laban kay Ang at ilan pa kaugnay ng parehong kaso.
Noong Huwebes, humiling ang PNP-CIDG ng Interpol red notice laban kay Ang. Gayunman, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na si Ang ay nananatili pa rin sa Pilipinas “based on all available records.”
Ayon kay Patidongan, kung nasa bansa pa si Ang, maaaring nagtatago ito sa isa sa kanyang mga ari-arian. “Kung nandito pa siya sa ating bansa, malamang nandiyan siya sa mga exclusive na mga subdivision na pag-aari niya o ng mga taong pinagkakatiwalaan niya,” aniya.
May iniaalok na P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto kay Ang. Sinabi rin ng Malacañang na walang special treatment sa kaso ng negosyante. RNT/MND