Home HOME BANNER STORY Impeachment complaint vs PBBM, isinampa

Impeachment complaint vs PBBM, isinampa

215
0

MANILA, Philippines — Isinampa ngayong Lunes sa House of Representatives ang isang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang kauna-unahang impeachment complaint na isinampa laban sa kanya.

Inihain ang reklamo ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Representative Jett Nisay.

Kinumpirma naman ni House Secretary General Cheloy Garafil ang pagtanggap sa impeachment complaint ngayong Lunes ng umaga.

Ayon sa Article XI ng 1987 Constitution, maaaring tanggalin sa puwesto ang pangulo sa pamamagitan ng impeachment dahil sa culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, iba pang high crimes, o betrayal of public trust.

Nagsisimula ang proseso ng impeachment sa House of Representatives kung saan ang isang verified complaint ay dapat inendorso ng isang miyembro ng House at maisama sa Order of Business sa loob ng 10 session days.

Ipapasa naman ito sa tamang komite sa loob ng tatlong session days. Pagkatapos ng pagdinig, magsusumite ang komite ng report sa House sa loob ng 60 session days, at i-cacalendaryo ang resolusyon sa loob ng 10 session days.

Kailangan ng boto ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng House upang aprubahan ang paborableng resolusyon na may Articles of Impeachment, o upang i-override ang salungat na resolusyon.

Kung ang verified complaint o resolusyon ay isinumite ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng House, ito ay magiging Articles of Impeachment at agad na magsisimula ang paglilitis sa Senado.

Ang Senado ay maaaring maghatol sa isang impeached official sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here