Home NATIONWIDE DILG sa publiko: Mga paepal na lokal na opisyal, ireklamo

DILG sa publiko: Mga paepal na lokal na opisyal, ireklamo

303
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko ngayong Lunes na isumite ang kanilang “anti-epal” na reklamo laban sa mga lokal na opisyal sa tamang forum.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, maaaring magsampa ng administrative cases laban sa mga nagkakasalang opisyal, na may parusang preventive suspension hanggang suspension.

Aniya, ang mga reklamo laban sa mga “epal” na opisyal ng barangay ay dapat sundin ang mga proseso sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code ng 1991.

Itinatakda ng batas ang mga protocol sa pagsampa ng reklamo laban sa mga lokal na opisyal, kabilang ang mga pinuno ng barangay.

Sinabi ni Remulla na umiiral na ang mga “anti-epal” na patakaran sa ilalim ng Department of Budget and Management at Office of the President, na nagbabawal sa mga politiko na maglagay ng kanilang pangalan, larawan, o logo sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Ayon kay DILG-National Barangay Operations Office Director Dennis Villaseñor, maaaring isumite ang mga reklamo laban sa mga halal na opisyal ng barangay sa mas mataas na sanggunian ng lokal na pamahalaan.

Nakasaad sa Section 61(c) ng Local Government Code na ang mga reklamo laban sa elective barangay officials ay dapat isampa sa sangguniang panlungsod o sangguniang bayan, at ang desisyon sa naturang reklamo ay pinal at ipinatutupad. Pinapayagan din ng Kodigo ang isang preventive suspension na maaaring pahabain hanggang 60 araw kung malakas ang ebidensya.

Maaaring isumite ang mga reklamo sa Office of the Ombudsman. Nakasaad sa Section 21 ng Republic Act No. 6770 na may kapangyarihang disiplinaryo ang Ombudsman laban sa lahat ng elective at appointive officials, kabilang ang mga opisyal ng barangay.

Binalaan ni Villaseñor na ang pagsasampa ng reklamo sa parehong forum ay maaaring magdulot ng dismissal dahil sa “forum shopping.”

Aniya, kailangang maghain ng pormal na reklamo na may sapat na ebidensiya. Sinabi rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang lagdaan ang pambansang budget na istrikto nilang ipatutupad ang pagbabawal sa pamimigay ng cash at iba pang uri ng pinansyal na ayuda ng mga politiko.

Ang salitang “epal” ay tumutukoy sa mga opisyal na naghahangad ng atensyon o kumukuha ng kredito sa mga proyekto ng gobyerno upang mapalakas ang kanilang imahe o boto. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here