Home NATIONWIDE Rider iimbestigahan ng LTO sa pagharang sa trak ng bumbero sa Bacolod

Rider iimbestigahan ng LTO sa pagharang sa trak ng bumbero sa Bacolod

233
0

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Land Transportation Office–Negros Island Region (LTO-NIR) ang isang motorcycle rider na nahuling humarang sa isang rumaragasang trak ng bumbero sa Bacolod City, ayon sa opisyal nitong Lunes, Enero 19.

Ayon kay LTO-NIR Officer-in-Charge Regional Director Jeck Conlu, obligasyon ng lahat ng motorista na magbigay-daan sa mga emergency vehicle, alinsunod sa umiiral na batas trapiko.

Nag-ugat ang imbestigasyon sa kumalat na video sa Facebook kung saan makikitang patuloy ang pagtakbo ng motorsiklo kahit naka-on na ang sirena at warning lights ng fire truck.

Batay sa paunang datos mula sa LTO Information Technology System, natukoy ang rehistradong may-ari ng motorsiklo.

Lumabas din sa imbestigasyon na walang valid driver’s license ang rider, na lalo pang nagpapabigat sa posibleng pananagutan nito.

Maaaring maharap ang rider sa kasong reckless driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act 4136, habang posibleng managot din ang may-ari ng motorsiklo sa ilalim ng Section 29 ng parehong batas dahil sa pagpapahintulot sa isang walang lisensyang indibidwal na magmaneho.

Pinagpapaliwanag na ng LTO-NIR ang rider at ang rehistradong may-ari at inatasang humarap sa tanggapan ng ahensya sa Bacolod City sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng summons.

Babala ng LTO, ituturing na waiver ng karapatang magpaliwanag ang hindi pagsunod sa kautusan at pagbabatayan na lamang ang mga ebidensiyang nasa rekord. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here