ZAMBALES- Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos manutok ng baril at pagbataan ang nakadiskusyong kapitbahay dahil lamang umano sa hatian ng bayad sa kuryente sa Barangay Sto. Ñiño, Palauig.
Batay sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si alyas “Kevin”, nasa wastong gulang at residente sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon, nagkainitan umano ang suspek at ang kapitbahay nito na kasamang naninirahan sa isang compound, makaraang hindi nagkaintindihan sa hatian ng bayad ng kanilang electric bill.
Kinuha umano ng suspek sa loob ng kanilang bahay ang baril at itinutok ito sa biktima kasabay ng pagbabanta.
Nakatawag ng barangay ang mga kaanak ng biktima kaya agad narespondehan ng mga pulis ang insidente kung saan inabutan umano ang suspek na armado ng baril at itak.
Nakumpiska sa suspek ang isang di-lisensiyadong Caliber 22 riffle at mga bala at itak na nakasukbit sa baywang nito.
Nasa kustodiya na nang pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition at Grave Threat. ROEL TARAYAO