MANILA, Philippines – Hindi kumbinsido ang Department of Justice (DOJ) na karamihan sa mga proyektong iniimbestigahan sa maanomalyang flood control ay mga ghost project.
Inamin ito ni OIC DOJ Secretary Fredderick Vida habang tinitingnan ng panel ang alegasyon na ang mga maling ulat ng mga proyekto ay isinumite sa Palasyo nang magsimula ito ng sarili nitong imbestigasyon.
Ayon kay Vida, hanggang ngayon, kumbinsido lamang sila na 14 ang mga ghost project.
“Sa kasalukuyan po, labing apat po yung projects na identified na ng Department of Justice… Ito po ay hinugot dun sa unang listahan po na 421. Doon sa iba po na 421 projects, hindi pa po kami kumbinsido na ghost project sila,” aniya.
Sa 14 na proyekto, anim ang may kaugnayan sa Wawao Construction at Top Notch Catalyst, habang ang iba ay sa Syms Construction.
Sinabi rin ni Vida na naglunsad na sila ng preliminary investigation sa mga nasabing proyekto.
Samantala, sinabi ni DPWH Undersecretary Rico Bernabe kay Senator Erwin Tulfo na ang mga proyektong may pending cases ay tunay na mga ghost project.
Sinabi rin ni Bernabe na ang mga maling ulat ay nagpapabagal sa imbestigasyon dahil kailangang ulitin ang lahat.
Dagdag pa, na-validate ng DPWH na ang 421 proyekto ay ghost projects.
Sa 337 proyektong nainspeksyon 291 proyekto ang may mga report na naka-off ng higit sa 50 metro habang 46 ay wala pang 50 metro.
Sinabi ni Bernabe ang isang set ng report ay ginamit para sa planning habang ang iba ay itinakda para sa konstruksyon.
Ngunit sinabi naman ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na umaasa lamang siya sa makukuhang impormasyon nang sinusunod nito ang kautusan ng Pangulo na isumite ang impormasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden